Lunes, Hulyo 4, 2011

karunungan at kamangmangan

Ang maliit na kaluluwa sa malusog na katawan
parang tinghoy na pang-ilaw
sa loob ng kagubatan
Malaki mang punungkahoy, ngunit walang lilim naman,
sa madla'y anong ginhawa kaya ang nabibigay?
Maliit man ang katawan, kung malusog ang kaluluwa,
ay may ilaw ng ligaya
Sa karimlan ng pag-asa.
Di nga sukat ang mabuhay nang sagana sa ginhawa,
kung ang isip nama'y walang dunong na nakikilala.
 
 Hamak ka mang manggagawa na ang buhay nasa bisig,
ang pag-asa'y nasa pawis
at ang aliw ay magtiis
sa landas ng katubusan ay ilaw ng pag-iisip
ng nag-aral na anak mo ang sa iyo'y maghahatid.
 
At kung ikaw nama'y anak na sa hirap naging tao,
ay lalo nang tungkulin mo
ang magsikap na matuto.
Sa hirap lumitaw ang maraming mga genio
Samantalang ang mayama'y namimili ng titulo.
 
Ang dunong ng kayamana't tanggulan ng maralita,
laya'y dangal ng timawa
at sandata ng mahina;
kung mailap sa mayaman, ay maamo pag sa dukha,
hagdang-bakal, susing-ginto sa pinto ng pagdakila.
 
Lalo ngayong di na tayo isang dungo't aping bansa,
may sariling watawat nang lahat ay kumikilala
ang talino nating likas, ngayon dapat ipakitang
kung hindi man makahigit, ay di-alangan sa iba.
 
Ang lahat ng karunungang ating dapat na sikapin,
ay di sukat na pang-atin
kundi pandaigdig din;
tayong lahing Kayumanggi'y isang talang nagniningning
sa langit madlang bansang kinabibilangan natin.
 
Salubungin nating lahat ang magandang karunungan, 
tanggapin ng puso't kamay ang biyaya niyang alay
Kasalanan kay Bathala't kasalanan din ssa bayan
ang lagi nang makiapid sa pangit na 
Kamangmangan.